Nakausap ni Department of Health o DOH Sec. Francisco Duque III ang isa sa mga magulang na may anak na umanoy nagka-severe dengue.
Ayon kay Ginang Ma. Teressa Valenzuela, September 2017 nang magkasakit ng dengue ang kaniyang anak, isang taon matapos itong mabakunahan ng Dengvaxia.
Nangangamba rin ang ginang dahil muli nilang pinasuri sa ospital ang kanilang anak dahil sa mataas na lagnat.
Problema rin ni Teressa ang naiwang mahigit 90,000 na bill sa ospital nuon pang nakaraang taon. Ngunit tiniyak ni Secretary Duque na sagot na ito ng kanilang ahensiya.
Samantala, ilalabas na ng DOH ang resulta ng ginawang pagsusuri ng UP-PGH sa umano’y masamang epekto ng Dengvaxia vaccines.
Iimbitahan din nila ang Public Attorneys Office na kabilang sa mga nagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang bakuna.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na ugaliing maglinis ng bakuran dahil naturukan man ng Dengvaxia o hindi ay maaaring madapuan ng sakit na dengue.
( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )
Tags: Dengvaxia, DOH, Sanofi Pasteur