METRO MANILA – Tiniyak ng Department Of Health (DOH) na ligtas gamitin ang ano man sa mga brand ng Covid-19 vaccine na aaprubahan ng pamahalaan.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang mga bakuna ay dumaan sa masusing pagsusuri ng mga eskperto na dapat ay respetuhin.
Hindi rin aniya aaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang ano mang bakuna kung hindi ligtas na gamitin ng mamamayan.
Kaya apila ng kalihim, huwag mamili ng brand ng bakuna liban na lang kung ito ay angkop sa age group.
“Basta dumaan sa FDA at may EUA, basta dumaan ang mga bakuna sa EUA, nabigyan ng EUA, ibig sabihin ligtas, dekalidad, effective. So, kailangan yon ang gamitin natin. Huwag tayong mamili pa ng kung anu-ano.” ani Department Of Health Sec. Francisco Duque III.
Muli itong ipinanawagan ng DOH matapos simulan ang pamamahagi sa mga pribadong ospital ng pangalawang supply ng Covid-19 vaccine mula sa AstraZeneca.
Isa sa mga unang nakatanggap ng naturang bakuna mula sa British-Swedish firm ay ang Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Naglaan sa kanila ang DOH ng 500 doses na karagdagan sa 1,300 doses ng Sinovac vaccine na una nilang natanggap noong Huwebes (March 4).
Target ng naturang ospital na mabakunahan ang 2,000 hospital workers nito kabilang na ang mga medical doctor, nurse, empleyado at iba pang staff.
Ayon kay CSMC Chief Medical Officer Doctor Zenaida Javier-Uy, ang sinomang tatanggi na magpabakuna ng Sinovac vaccines ay kailangan pang hintayin ang karagdagang suplay na ibibigay ng pamahalaan.
“We have 1,300 doses and we are talking about almost 1,900 healthcare workers who said yes to getting the vaccine. Although, there were some dropouts because they didn’t want Sinovac, they still have to wait if ever magsosobra yung AstraZeneca para sa mga elderly.” ani Cardinal Santos Medical Center Chief Medical Officer, Dr. Zenaida Javier-Uy.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: COVID-19 Vaccine