Pasado alas nueve ng umaga nang dumating sa Albay si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III. Agad nitong tinungo kasama ang ilang lokal na opisyal ang maternity tent hospital na nasa San Andres resettlement area sa bayan ng Sto. Domingo.
Ang maternity tent hospital sa Sto. Domingo ang isa sa mga pangunahing nangangalaga sa kalusugan ng mga evacuees na narito kabilang ang mga buntis at mga bagong panganak.
Ayon kay Duque, prayoridad nila na bantayan ang kalusugan ng mga evacuees lalo na ang mga buntis, sanggol at mga bata lalo na kung magtatagal pa ito sa mga evacuation centers.
Kasabay nito, dumalaw din ang ilang mga senador sa Albay upang tingnan ang sitwasyon ng mga displaced family sa ilang evacuation center sa Daraga at Legazpi City Albay.
Kabilang sa mga dumalaw sina Senator Joel Villanueva, JV Ejercito, Nancy Binay, Sonny Angara at Migz Zubiri.
( Allan Manansala / UNTV Correspondent )