DOH Sec. Duque, muling sinampahan ng reklamo sa DOJ kaugnay ng Dengvaxia controversy

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 4816

Bukod sa reklamong homicide at torture na una nang isinampa ng mag-asawang Hedia laban kay Health Secretary Francisco Duque III, kahapon muling naghain ng obstruction of justice ang mga ito laban sa kalihim.

Sina Ariel at Ruby Hedia ang mga magulang ni Abbie Hedia, ang batang inuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia.

Batay sa complaint ng mga ito, tumangging magbigay ng kopya ng masterlist ng mga nabakunahan ng Dengvaxia si Duque. Naglabas din ito ng kautusan para imbestigahan ang mga Dengvaxia-related deaths kahit may conflict of interest.

Nagdulot lang din umano ng kalituhan ang inilabas nitong department order para sa forensic service.

Ayon kay Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Acosta, malinaw na may conflict of interest sa ginagawang imbestigasyon ng DOH samantalang may mga opisyal nila na nahaharap din sa reklamo kaugnay ng Dengvaxia controversy.

Dapat din aniyang mag-inhibit na lang si Sec. Duque sa isinasagawang imbestigasyon sa Dengvaxia controversy.

Ayon sa PAO, may ilang magulang ng Dengvaxia vacinees na hindi na tumuloy sa pagpapa-autopsy sa kanilang mga anak at nanahimik na lamang matapos makatanggap ng ayuda mula sa DOH.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag si Health Sec. Duque kaugnay ng mga alegasyon laban sa kaniya.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,