DOH Sec. Duque, hinimok ang Anti-vaxxers na huwag mangimpluwensiya

by Radyo La Verdad | January 27, 2022 (Thursday) | 747

METRO MANILA – Hinimok ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga anti-vaxxer nitong (January 24) Lunes na huwag impluwensiyahan ang kapwa Pilipino.

Nagbanggit ni Sec. Duque ang viral videos ng mga tutol sa “no vaccination, no ride” policy at ayon sa kanya ay huwag hadlangan ng kung anu-ano ang national vaccination program.

Mga fully vaccinated lamang ang pinapayagan sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR) simula nitong January 17 ayon sa atas ng Department of Transportation (DOTr).

Dagdag ng opisyal, may hindi saklaw ang naturang polisiya gaya ng mga bumibili ng essential goods, gamot, nagbabayad ng bills, pumupuntang trabaho, o ang may comorbidities ayon sa payo ng doktor.

Binigyang diin din ni Sec. Duque na ang bakuna ay makabubuti sa lahat, lalong lalo na sa mga senior citizen at sa may comorbidities.

Aniya, inangkat at binayaran ng gobyerno ng buwis ang mga bakuna at suportahan naman ito upang makabalik sa normal ang buhay natin.

Sa tala noong Linggo (January 23) nakapagturok na ang bansa ng 123,365,808 doses ng bakuna, at mula Marso nang nakaraang taon ay umabot sa kabuuang 21,473,675 doses ang naiturok sa NCR pa lang.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)