DOH Sec. Duque at former Sec. Garin, nagturuan kaugnay sa palpak na brgy. health stations project

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 1671

Dumipensa sa pagdinig ng Senado kahapon si dating Department of Health Secretary Janette Garin sa umano’y naging kapabayaan ng nakaraang administrasyon sa implementasyon ng 8.1 billion peso 2-phased school-based barangay health stations.

Ayon kay Garin, malala ang estado ng health care facilities ng bansa nang ito ay kaniyang madatnan. Umaabot sa 20,000 na barangay health stations ang dapat na maitayo.

Itinuro ni Garin ang mga sumunod na kalihim na posibleng may kagagawan kaya hindi nagtagumpay ang proyekto, bagay na kinontra ni Health Secretary Francisco Duque.

Lumutang ang umano’y anomalya sa proyekto nang lumabas ang 2017 COA report kung saan nakasaad na ang pagtatayo ng 5,700 barangay health stations sa public school noong 2015 at 2016 ay may problema sa validation ng lugar na pagtatayuan at sa implementasyon nito dahil sa kawalan ng guidelines. Naantala rin at hindi nakumpleto ang BHS project.

Nadismaya ang mga senador dahil ang pinagkuhanan ng pondo para sa proyekto ay ang savings ng kagawaran noong Disyembre 2015 kasabay ng paglalabas ng Special Allotment Order (SARO) para sa Dengvaxia.

Pinabulaan rin ng dating kalihim ang alegasyon na nagsasayang lamang sila ng pondo noon sa pagbili ng mga kagamitan para sa barangay health facilities.

Ipinaliwanag naman ng contractor ng proyekto kung bakit humantong sa termination ang kontrata.

Ayon sa J Bros Construction Corporation, tila hindi nagigiyahan sa implementasyon ng proyekto.

Hinamon ni Garin si Secretary Duque na magsampa na lamang ng kaso sa korte kaugnay sa isyu.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,