DOH programs, nakapaskil na sa mga tren ng LRT Line 2 ng health reminders at programs

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 4461

Simula kahapon makikita na sa loob ng tren ng LRT Line 2 ang health reminders at health tips ng DOH dahil sa inilunsad na programang Train Wrap.

Ayon kay Secretary Francisco Duque III, sa ganitong paraan ay mapapaalalahan ang milyong-milyong mananakay kung paano pangalagaan ang kanilang kalusugan at huwag balewalain ang mga payo ng mga ekperto.

Nakapaskil din sa loob at labas ng mga bagon ang mga impormasyon kaugnay ng mga programa ng DOH.

Ayon sa DOH, apat na milyong piso ang nakalaan para sa paglulunsad ng ganitong programa para sa apat na bagon ng LRT Line 2.

Ang DOH Train Wrap ang kauna-unahahang programa ng kagawaran na may koordinasyon sa  LRT at inobasyong pangkalusugan gamit ang teknolohiya upang maabot maging ang  mga ordinaryong Pilipino.

Ayon naman kay Dr. Mar Wyn Bello ng Health Promotions at Communication Services, isa itong magandang paraan upang maabot ang mga Pilipinong abala araw- araw at tila nakakalimot na sa mga impormasyong pangkalusugan.

Nagsisimula ang operasyon ng DOH Wrapped Train alas 4:30 ng umaga hanggang alas diyes y media ng gabi.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,