DOH, planong mas ilapit ang health services, sa lahat ng mga Pilipino

by Erika Endraca | January 3, 2024 (Wednesday) | 6840

METRO MANILA – Plano ng Department of Health (DOH) na mas ilapit ang serbisyo at pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng mga Pilipino sa pagpasok ng taong 2024.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, tinutukan nila noong nakaraang taon ang pagtatayo ng mga pasilidad lalo na sa mga probinsya na naglalayong magbigay ng makabagong serbisyong medikal sa mga tao.

Layunin ding matutukan ng kagawaran ngayong taon ang pagbabakuna ng mga batang wala pang 5 taong gulang at mapataas ito hanggang 95%.

Kasabay nito ang pagpapababa sa stunting o under nutrition rate sa mga maliliit na bata mula sa kasalukuyang 27% hanggang 14%.

Dagdag ni Herbosa plano nang gawing moderno ang DOH na tutugon sa pagbibigay ng pantay-pantay na serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino.

Kasama rin sa tututukan ang mabawasan ang maternal mortality death at teenage pregnancy.

Isa rin ang Tuberculosis at Human Immunodeficiency Virus na nais ng ahensyang mapababa ang kaso.

Target din ng DOH na mabawasan ang mga kaso ng hindi nakakahawang sakit tulad ng hypertension, cardiovascular disease, diabetes, at cancer.

Dagdag pa ni Sec. Herbosa, marami ring namamatay sa motorcycle crash incidents kaya palalakasin ng DOH ang road safety lalo sa mga nagmo-motorsiklo.

Tags: