DOH, pinag-iingat ang mga residente ng Albay sa mga sakit na dulot ng abo mula sa Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | January 25, 2018 (Thursday) | 2575

Lubhang mapanganib sa kalusugan ang ibinubugang makapal na abo o volcanic ash ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ayon sa Department of Health, taglay nito ang mga kemikal na maaring magdulot ng bronchitis o asthma. Malaki rin ng posibilidad na magkaroon ng iritasyon sa balat at mata ang patuloy na exposure sa hanging may kasamang abo.

Ayon pa sa mga ekspeto, upang makaiwas sa mga sakit na ito, makakabuting manatili na lang sa loob ng bahay.

Magsuot ng surgical o face mask o di kaya ay gumamit ng basang bimpo o panyo upang hindi malanghap ang abo at goggles bilang proteksyon sa mata. Mainam din na basain ang paligid o linisin ang mga lugar na nabalutan ng abo.

Dapat siguraduhin din na laging may takip ang mga pagkain at inumin upang hindi ito makontamina. Takpan din ang mga butas na maaaring pasukan ng abo sa loob ng bahay. Takpan din ang mga butas na maaaring pasukan ng abo sa loob ng bahay.

Tatlong daan at dalawampu’t anim na mga heatlh workers, nurses at midwives naman ang naipadala na sa Albay bilang karagdagang pwersa sa mga evacuation centers.

Sa ngayon ay nasa code blue alert ang DOH bilang tugon sa Oplan Mayon Operations.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,