DOH at PAO, inatasan ng Senado na magpulong at pag-isahin ang findings sa Dengvaxia cases

by Radyo La Verdad | February 21, 2018 (Wednesday) | 1905

Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap ang Public Attorney’s Office sa pagdinig ng senado ngayong araw kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccines.

Matapos ang ilang oras na pagdinig, inatasan ng Senate Blue Ribbon Committee na magkaisa ang Department of Health at PAO kaugnay ng isyu. Kailangan umanong magpulong ang mga ito at pag-isahin ang resulta ng kanilang findings sa mga kaso ng vaccinees na iniuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia.

Ayon sa DOH, matagal na nilang hinihintay na makipagtulungan ang PAO sa kanila lalo na’t ilang beses na silang humiling sa mga ito na ibahagi sa DOH  at UP-PGH expert panel ang kanilang findings.

Pumayag na rin si Atty. Persida Acosta na makipagtulungan sa DOH, maliban sa mga opisyal ng DOH na kasama umano sa maanomalyang pagbili ng Dengavxia vaccines.

Binigyan din ng pagkakataon na magsalita ang ilang mga magulang na inimbatahan sa pagdinig. Inihayag nila ang kanilang mga alalahanin sa kanilang mga anak na nakatanggap ng bakuna.

Pagkatapos ng pagdinig, nilapitan ni Sec. Duque ang mga magulang at kinausap kung ano pa ang kanilang kailangan. Sinisiguro ng kalihim na wala silang dapat alalahanin sa mga bayarin, pribado man o pampublikong ospital.

Kinuha rin ng kalihim ang mga naging gastusin ng isang magulang na may anak na may leukemia na nabakunahan din ng Dengvaxia.

Inihayag na rin ni Sec. Duque kanina sa pagdinig na hihilingin niya sa kongreso ang pondo para sa pagbili ng mga karagdagang dengue kits upang mabigyan ang lahat ng 830,000 na Dengvaxia vaccinees mula sa refund na ibinalik ng Sanofi sa pamahalaan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,