METRO MANILA – May natatanggap pa ring report ang Department of Health (DOH) kaugnay sa umano’y nagaganap na bentahan ng human organ sa bansa.
Dahil dito nagbabala ang kagawaran sa problema sa kalusugan na maaaring kaharapin ng mga pumapasok sa ganitong transaksyon.
Binigyang diin ng DOH na ilegal ang pagbebenta sa Pilipinas ng lamang-loob ng tao gaya ng kidney.
Tanging mga kamag-anak lang ang maaaring mag-donate sa isang pasyente
Kaya naman paiimbestigahan nila ang mga kumakalat sa social media na ipinapakita na umano’y nagbenta sila ng kidney para lang makabili ng sa isang mamahaling brand ng mobile phone.
Sa ilang post ng netizen, makikita sa mga larawan na mayroon itong mga benda na tila katatapos lang ng operasyon sa pagbebenta ng kidney. Ipinapakita din na nakabili sila ng mamamahaling gadget dahil dito.
Paalala ng Department of Health, kahit pa may mga medical expert ang nagsasabi na mabubuhay naman kahit 1 lang ang bato, malaki pa rin ang magiging kaibahan kapag kumpleto ang kidney.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, kapag natanggal na ang 1 bato, maaari itong magdulot ng kumplikasyon sa katawan na maaari pang ikadagdag sa gastos dahil sa magiging gamutan.
(JP Nunez | UNTV News)