MANILA, Philippines – Naglabas ng pahayag ang Department of Health (DOH) upang linawin sa publiko na hindi totoo na may bagong strain ng dengue virus sa bansa. 4 lamang ang strain ng dengue virus sa bansa ayon sa DOH.
Ito ay ang DENV-1 at DENV-2 na may sintomas na pananakit ng likod na bahagi ng mata, pagdurugo ng ilong at pagsusuka na may halong dugo.
DENV- 3 at DENV- 4 na may sintomas ng lagnat, pananakit ng katawan, sakit ng ulo, pagkawala ng ganang kumain, pagsusuka at diarrhea.
Iginiit rin ng DOH na walang opisyal ng kagawaran ang nagsabi na dulot ng bagong strain ng dengue virus ang pagtaas ng dengue cases sa bansa ngayong taon.
Ayon sa Health Department ang umiiral pa rin na dengue strain sa bansa ngayong taon ay ang DENV- 3
Pahayag naman ni DOH Spokesman, Usec Eric Domingo pinakamataas ang dengue cases mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon kumpara sa nakalipas na 5 taon.
“Yes talagang this is one of the highest and it’s the first time that we’ve actually talagang nag- declare tayo ng dengue na national epidemic. This is the highest in the last siguro 5- 6 years..” ani DOH Spokesman, Usec Eric Domingo,
Tiniyak naman ng doh na patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang hindi magkaroon ng overflow ng mga dengue patients sa mga ospital.
“May test kits tayo, we have iv fluids,antipyretics and the medicines that are needed. Nag- open na rin tayo ng degue dedicated fast lanes sa mga hospital natin lalo na iyong mga batang may lagnat doon sila and we have dengue wards na naka- open.” ani DOH Spokesman, Usec Eric Domingo.
Samantala, pinabulaanan din ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi suhol ang P50,000 na ibinibigay sa mga pamilya ng mga batang tinurukan ng dengvaxia.
“Iyang ayuda na iyan galing iyan sa office of the president so hindi iyan galing sa doh, ito ay lamang dahil sa malasakit ng Pangulong Duterte para sa mga magulang na namatayan at gumastos para sa kanilang wake at paglibing at mga iba pang mga gastusin.” ani Health Secretary Francisco Duque III.
(Aiko Miguel | Untv News)