DOH, nilinaw na wala ni isang kaso ng respiratory ailment sa Albay na dulot ng abo mula sa Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | February 5, 2018 (Monday) | 2001

Hindi daw totoo ang inulat ng media kaugnay sa mga kaso ng respiratory ailment sa Albay na dulot ng paglanghap sa abo ng Bulkang Mayon.

Ayon sa Department of Health Region 5, mga lumang kaso na ito at hindi ngayon lamang nagsilitawan.

Sa mahigit walumpung libong mga indibidwal sa mga evacuation centers, limang libo ang naitala ng DOH na mga may sakit. Subalit karamihan sa mga ito ay lagnat at ubo lamang at maliit na porsyento ang respiratory ailment.

Nilinaw ng DOH na nakadagdag ang congestion o siksikan sa mga evacuation centers  upang lumala ang sakit ng mga evacuees. Patuloy naman ang ginagawang medical mission ng Department of Health upang matulungan ang mga evacuees na nagkakasakit.

Samantala, tiwala naman si Albay Governor Al Francis Bichara na posibleng kumasya na ang halos isang daang milyong piso naibigay ni Pangulong Duterte at ng PCSO para sa pagkain ng mga evacuees.

Dahil sa decampment na ipinatupad ng provincial government noong Biyernes, makakatulong ito upang ma-decongest ang mga evacuation centers.

Posible na mabawasan ng nasa apat na libong pamilya ang mahigit dalawangpung libong pamilyang kailangang lingapin ng pamahalaan.

Umaasa ang provincial government na sa lalong madaling panahon ay gaganda na ang sitwasyon sa probinsya at makauwi na rin ang karamihan sa kanilang mga tahanan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,