DOH, nanawagan sa mga NGO na idaan sa proseso ang mga tulong para sa mga apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | February 6, 2018 (Tuesday) | 4163

Maraming mga kababayan natin at maging mga taga ibang bansa ang nais magbigay ng tulong sa mga Albayano na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Dumarating ang marami sa kanila ng grupo-grupo o kaya ay sa pamamagitan ng non-governmental organization. Namimigay ang mga ito kadalasan ng relief goods sa mga evacuee.

Ngunit nanawagan ang Department of Health sa mga non-governmental oraganizations at iba pang grupo na kung magbibigay ng tulong sa mga apektado ng natural calamity, padaanin ito sa tamang proseso.

Kung relief goods ang kanilang idodonate ay dapat na dumaan pa rin ito sa lokal na pamahalaan o sa tamang departamento tulad ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Dr. Noli Arevalo, ang regional director ng Department of Health Region 5, sa pamamagitan nito ay masusuring mabuti ang mga donasyon.

Maiiwasan na makapasok ang mga kontaminadong pagkain at mga expired na gamot sa mga evacuation centers.

Dagdag pa ni Arevalo, kung matutugunan ang panawagang ito ng DOH maiiwasan umano na maipon sa isang lugar ang tulong na dapat sana’y makarating din sa ibang pang evacuation centers.

Sa ngayon, nasa mahigit 17,000 pamilya pa o katumbas sa 64,900 katao pa ang nasa 63 na evacuation centers sa buong Albay mula sa 9 na bayan na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Umaabot na rin sa 166,008,905 ang tulong na ibibigay ng lokal na pamahalaan at ng mga government agencies sa libo-libong displaced families sa Albay.

Sa ngayon nakataas pa rin sa alert level 4 ang status ng Mayon kung saan hindi pa rin pinahihintulutang makauwi sa kanilang mga tahanan ang mga evacuee na nakatira sa 6km permanent danger zone at 8km extended danger zone.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,