DOH, nakipag-ugnayan na sa Office of the Solicitor General kaugnay sa kasong isasampa laban sa Sanofi Pasteur

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 4127

Kasalukuyan nang pinag-uusapan ng Department of Health (DOH) at ng Office of the Solicitor General (OSG) ang kasong isasampa laban sa Sanofi Pasteur.

Itutuloy ng DOH ang paghahain ng reklamo laban sa naturang pharmaceutical company matapos ang ilang beses na pagtanggi nito sa hiling ng DOH na ibalik ang ibinayad ng pamahalaan sa mga nagamit na Dengvaxia vaccines.

Maging ang pagbibigay ng indemnification fund para sa 837,000 Dengvaxia vaccinees ay hindi rin sinag-ayunan ng Sanofi.

Ayon sa kalihim, posibleng gamiting ebidensya ng DOH ang inilahad ng Food and Drugs Administration (FDA) sa pagdinig sa Kamara.

Ito ay kaugnay sa hindi pag-abiso ng Sanofi sa Pilipinas na hindi maaring gamitin ang Dengvaxia vaccines sa mga taong hindi pa nagkasakit ng dengue.

Sa pagsusuri ng FDA, matagal ng alam ito ng Sanofi kaya nabigyan nila ng warning ang Singapore ukol dito.

Samantala, sa isang statement sinabi ng Sanofi na nais nilang makipag-usap sa DOH upang makahanap ng ibang paraan para masugpo ang dengue sa Pilipinas, subalit ayaw na itong patulan ng kagawaran.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,