MANILA – Halos 26,000 na ang COVID-19 cases sa Pilipinas kung saan umabot na ito sa 25,930 batay sa ulat ng DOH kahapon, (June 14). 366 ang nadagdag na fresh cases habang 173 naman ang late cases.
Ika-56 araw nang mas madami ang COVID-19 survivors sa bansa na ngayon ay nasa 5,954 na. Habang 1,088 naman ang naitalang death toll sa Pilipinas
Samantala, kapansin- pansin naman ang biglang pagtaas ng inulat na nasawi sa COVID-19 sa bansa nitong June 12 at June 13.
Mataas ang 16 at 22 deaths na naitala kumpara sa average na 10 kaso pababa pagpasok ng buwan ng Hunyo.
Paliwanag ng DOH, hindi naman ito ang actual na nasasawi araw- araw kundi ang mga naturang petsa lang ang araw kung kailan lang naisama sa ulat na sila ay namatay.
“Out of the 22 reported deaths on June 13, only four, or 18%, died in the month of June, one each on the following dates: June 3, 4, 6, and 9. The remaining 18 deaths occurred in the previous months but were only recently submitted to the DOH Epidemiology Bureau,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
Dagdag pa ng DOH, dumadaan pa sa validation process ang mga impormasyon ng mga nasawi kaya saka na lang naidadagdag ang bilang nila kung kailan validated na ang kaso mula sa LGU level.
Humingi rin ng paumanhin ang DOH kung naging sanhi ito ng pagkabahala ng publiko.
“Itong pagtaas ng bilang ng mga ni-report natin ay maaaring naging cause for concern ng ating mga kababayan, kaya naman ay nais naming humingi ng paumanhin kung kayo ay nabahala at kaya naman binibigyang linaw namin ngayon ang mga numerong ito,” dagdag ni Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
Iprinisinta rin ni Dr. John Wong ng Epimetrics Inc. at miyembro ng IATF data analytics expert group na bumaba na sa 4.24% ang fatality rate sa Pilipinas nitong kalagitnaan ng buwan ng Hunyo kumpara noong Abril at Mayo.
”Our case fatality rate was about 5.5 percent. Now it has gone down to almost a little about 4 percent. Fewer cases are dying that means we are saving more lives,” ani Dr. John Wong, Ateneo Professor, Member of ISTF’s data analytics expert group.
Ayon pa kay Usec. Vergeire, mas mababa na ang fatality rate sa Pilipinas ng COVID-19 kaysa sa global average na nasa 6%.
“Mula sa case fatality rate na 5.52 percent nung may 31 bumaba na po ang case fatality rate natin sa 4.24 percent as of June 13. Mas mababa po ito sa kasalukyang global case fatality rate ng buong mundo na tumatayo sa 5.6 percent as of June 13,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
(Aiko Miguel)
Tags: Coronavirus, Covid-19, DOH, Maria Rosario Vergeire