DOH, nagpaalala Sa panganib na maaring maidulot ng maling paggamit ng Dexamethasone

by Erika Endraca | June 18, 2020 (Thursday) | 3953

METRO MANILA – Nilinaw ng Department Of Health (DOH) na hindi pa naman aprubado ang steroid treatment na dexamethasone bilang lunas para sa COVID-19 .

ito ay bunsod ng lumabas na matagumpay na clinical trials sa united kingdom at sa pag- aaral ng University of Oxford .

Kaya’t paalala ng DOH sa publiko, hindi ito maaaring gamitin at bumili na lang basta sa merkado .

“Alam naman natin ang Dexamethasone is a steroid eh. it has anti-inflammatory properties na maaaring makatulong talaga sa nangyayari sa isang tao ‘pag siya ay nagka-COVID. People might think this is the magic pill para sa COVID. It is not dapat mapakalat natin sa mga tao na hindi tayo bibili sa drug stores para inumin natin ito para ma-prevent na magkaka-COVID tayo.” ani DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa isinagawang pagsusuri ng mga scientist sa University of Oxford, lumalabas na kayang pigilan ng Dexamethasone ang inflammation o impeksyong dulot ng virus sa ating katawan partikular sa baga.

Natukoy din umano sa kanilang pag-aaral na maaaring mabawasan nito ang bilang ng namamatay na mga pasyenteng nasa ventilator na at yung mga naka-depende na lang sa oxygen tanks.

Nagbabala din ang opisyal at ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga gumagamit ng Fabunan Antiviral Injection (FAI) sa pagbabakuna nito na maaari anila silang maaresto.

Ito’y dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin rehistrado ang FAI sa FDA .

Batid din ng DOH ang claim sa Fabunan Antiviral Injection na may component umano rin itong Dexamethasone para magamot ang COVID-19 patients.

“Klaruhin natin. yung Fabunan na FAI na sinasabi, ito ay binibigay nila—iyong kanyang drug may component ng Dexamethasone. Pero binibigay niya ang kanyang drug na ito sa mga mild at saka sa mga asymptomatic and on an outpatient basis doon sa kanyang klinika.” ani DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire.
 
(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,