Nakapaloob sa Graphic Health Warning Law o RA 10643 na kada dalawang taon ay maglalabas ng panibagong Graphic Health Warning ang Department of Health (DOH) para sa mga sigarilyo.
Ika-3 ng Marso nang maglabas ng mga panibagong template ang DOH. Sa mga bagong template, ipinakikita ang mga masamang epekto ng paninigarilyo sa tao gaya ng gangrene, emphysema, neck cancer, mouth cancer, hika, still at premature birth.
Nakapaloob din sa Graphic Health Warning Law na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pangunahing magpapatupad sa monitoring at implementasyon ng naturang batas lalo na sa pagpapataw ng buwis.
Sa tala ng World Health organization (WHO), tinatanyang nasa 1.4 billion na ang smokers sa buong mundo at 4.9 million naman ang namamatay sa mga ito taon-taon. Sa tala naman ng DOH, 240 na Filipino smokers ang namamatay araw-araw.
Sa pamamagitan ng Graphic Health Warning Law sa bansa, umaasa ang kagawaran na bababa ang kaso ng respiratory illnesses at death cases dulot ng paninigarilyo.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )