DOH, nagbabala sa publiko sa mga sakit na nakukuha sa baha

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 22037

Tuwing nagbabanta ang masamang panahon ay laging paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko lalo na sa mga magulang, bantayan ang kanilang mga anak at pagbawalang magbabad at lumangoy sa baha dahil sa sari-saring sakit na maaaring makuha dito.

Bukod sa leptosprosis, kabilang sa mga malubha at nakamamatay na sakit na maaaring makuha sa baha ay ang dengue, cholera, ubo at sipon o trangkaso, mataas na lagnat at cholera.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, halo-halong pollutants ang nasa tubig baha lalo na sa mga lugar malapit sa estero, palikuran at sa mga sewerage system.

Pinakadelikadong mangyari ang makainom ng tubig baha ang isang bata na maaaring pagmulan ng diarrhea o kaya ay cholera.

Aniya, mahalaga na masiguro ng mga magulang na may suplay ng malinis na tubig inumin, pang-hugas ng kamay at panligo sa loob ng tahanan tuwing bumabagyo.

Paalala ng DOH, kapag nakaranas ng pagtatae ng mahigit apat na beses isang araw, magpa-ospital na upang maagapan ang dehydration.

Dapat din aniyang may naka-handang mga gamot sa ubo, sipon at lagnat sa bahay bilang pangunang lunas sa mga pangkaraniwang sakit.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,