Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko sa mga posibleng maging epekto sa kalusugan ng pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Ilan sa ibinabala ng DOH ay ang panganib na dala ng sulfur dioxide na mula sa bulkan kapag nalanghap o dumikit sa balat.
Ayon sa kagawaran, ang panandaliang exposure sa sulfur dioxide ay maaaring magdulot ng hirap sa paghinga kaya delikado ito sa mga may hika at mga bata.
Ang sulfur dioxide ay isang nakakalasong usok na posibleng makaapekto sa kalusugan ng tao at hayop pati na sa mga halaman.
Ang matagal na paglanghap ng mataas na konsentrasyon ng nakalalasong usok ay maaaring magdulot ng pamamaga at iritasyon sa baga at mga daluyan ng hanging.
Kaya pinaalalahanan ng kagawaran ng kalusugan na maging alerto ang publiko lalo na ang mga nasa high-risk areas.
Ilan sa mga sintomas ng sulfur dioxide exposure ay ang pangangati ng balat at mata, ubo, mucus secretion at hirap sa paghinga.
Bukod pa rito, binalaan din ng DOH ang publiko sa panganib ng ash fall sa kalusugan lalo na sa mga may hika, bronchitis at emphysema.
Sa mga nakatira malapit sa taal, paalala ng DOH iwasan lumabas ng bahay, isara palagi ang pintuan at bintana, magsuot ng facemask, proteksyon sa mata at balat.
Mababawasan ang pagpasok ng abo sa bahay sa pamamagitan ng pagsabit ng basang kurtina, kumot o tela sa mga bintana, gumamit ng dust mask o n95 mask, magsuot ng goggles o salamin bilang proteksyon sa mata.
Kung may emergency o hindi inaasahang malubhang pangyayari maaring tumawag sa DOH Health Emergency Management Bureau Operation Center sa 8711-1001, 8711-1002, Center for Health Development Calabarzon sa 8249-2000 o ‘di kaya ay sa inyong local emergency hotlines.
Janice Ingente | UNTV News
Tags: Bulkang Taal, DOH