DOH, nagbabala sa panganib ng self-medication lalo na sa paggamit ng antibiotics

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 1568

Pitong daang libong tao ang namamatay sa buong mundo dahil sa antimicrobial resistance (AMR) ayon sa World Health Organization (WHO).

Ngunit ikinababahala ng WHO na umakyat ito sa sampung milyon pagdating ng 2050 kapag hindi naipaunawa sa publiko ang tungkol dito.

Ang AMR ay ang instansya kapag hindi na tumatalab ang isang gamot upang puksain ang mikrobyo o parasite na nasa katawan ng isang tao. Nangyayari ito kapag mali o sobra sa itinakda ang pag-inom ng anti-biotics.

Babala ng Department of Health (DOH), huwag mag-self medicate lalo na ng anti-biotics sa anomang uri ng sakit.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, agad na komunsulta sa mga doktor anomang uri ng sakit ang nararamdaman.

Payo ni Sec. Duque, sundin ang nakatakdang oras at araw ng pag- inom ng gamot lalo na ng antibiotics na inireseta ng isang doktor upang maiwasan ang antimicrobial resistance.

Babala ng kalihim, dahil sa maling paraan ng pag-inom ng antibiotics, posibleng sa susunod na magkaroon ito ng mas malalang sakit o infectIon, hindi ito magagamot sa simpleng gamutan at kakailangann ng mas mataas na uri ng antibiotics.

Bukod sa tao, isang malaking hamon din sa animal sector ang pagkakaroon ng antimicrobial resistance.

Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), naabuso ng ilang small time poultry farmers ang paggamit ng antibiotics.

Kaya naman plano ng DOH at DA na bumuo ng mga regulasyon upang ipagbawal ang paggamit ng antibiotics sa mga hayop.

Naniniwala umano ang mga poultry farmer na mabilis ang paglaki ng katawan ng kanilang alagang hayop kapag inihalo sa kanilang pagkain ang antibiotics, bagay na ipinagbabawal ng DA at BAI dahil maaaring maipasa sa tao ang sakit mula sa hayop kapag ito ay nagkaroon ng antimicrobial resistance at may dalang sakit saka ito kinatay at nakonsumo ng publiko.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: ,