DOH, nagbabala sa mga magbebenta ng overpriced na gamot sa leptospirosis

by Radyo La Verdad | August 14, 2018 (Tuesday) | 6995

Binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga magsasamantala at nagbebenta ng doxycycline sa mas mataas na presyo.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, maaaring maipasara ang kanilang mga botika kung mapatunayang nag-ooverprice sila ng mga gamot. Nagkakahalaga lang aniya ang doxyxycline ng P10- P30 kada piraso at hindi P93.

Nilinaw din ng DOH na may sapat silang supply ng gamot kontra leptospirosis at libre itong ipinamimigay sa mga health centers.

Samantala, naipagkaloob ng DOH ang karagadagang 25,000 piraso ng doxyclcine sa lokal na pamahalaan ng Marikina City para sa mga evacuee sa Malanday Elementary School kahapon ng umaga.

Kahon-kahong mga gamot kontra diarrhea, fungal infection, flu at iba pang gamot ang ibinigay rin ng DOH sa lokal na pamahalaan ng Marikina City.

Nais matiyak ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi magkukulang ang gamot sa evacuation centers upang maiwasan ang outbreak ng mga sakit.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, sapat pa naman ang gamot sa kanilang lugar nguni’t kailangan nila ang karagdagang supply sakaling tumagal pa ang baha. Binisita rin ng DOH ang mahigit dalawang daang evacuee sa Bagong Silangan, Quezon City.

Sa kabuoan ay umabot naman sa 1.35 milyong piso ang naipamigay na gamot at medical supplies ng DOH sa San Juan City, Marikina at Rizal.

May inilaan ding pondo ang DOH para sa Central Luzon, Calabarzon at Ilocos Region na sinalanta rin ng habagat nitong weekend.

Naka-code white alert na din ang lahat ng DOH hospitals upang agad makatugon sa anomang emergency cases ngayong patuloy ang pag-ulan at pagbaha sa iba’t-ibang panig ng bansa.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,