DOH, muling nagbabala sa banta ng heat stroke ngayong tag-init

by dennis | April 29, 2015 (Wednesday) | 2936
FILE PHOTO: Mga naglalakad sa ilalim ng tirik na araw. (PHOTOVILLE International)
FILE PHOTO: Mga naglalakad sa ilalim ng tirik na araw. (PHOTOVILLE International)

Muling nagpaalala ang Department of Health sa panganib na dala ng heat stroke dahil sa inaasahang pagtaas ng temperatura sa mga susunod na araw.

Batay sa opisyal na kalatas ng DOH, delikado sa kalusugan ang heat stroke na ikinokosiderang medical emergency, at kung mapapabayaan ay maari itong magbunga ng kamatayan.

Ang insidente ng heat stroke ay tumataas kapag tumindi ang init ng panahon lalo kapag nageehersisyo, matagal na nakababad sa ilalim ng sikat ng araw at kapag dehydrated ang isang tao.

Payo ng DOH na iwasan ang magtagal sa labas ng bahay at sa halip na uminom ng tsaa, kape, o softdrinks, ay uminom na lamang ng tubig para maiwasan ang dehydration.

Nitong pagpasok ng linggo ay nagbabala ang PAGASA na maaaring tumaas ng hanggang 40.2 degrees Celsius ang temperatura ngayong araw at 39.9 degrees Celsius naman bukas, araw ng Biyernes.

Kung hindi maiiwasang lumabas ng bahay, payo ng DOH sa publiko na magsuot ng sombrero at long-sleeved na damit at iiskedyul na lamang ang pageehersisyo sa oras na mababa ang temperature tulad ng oras ng madaling araw o sa gabi.

Kapag ang isang tao ay tinamaan ng heat stroke, agad na dalhin ito sa malilim na lugar at ihiga na nakataas ang binti. Agad na lapatan ito ng ice pack sa kili-kili, sa pulso, bukong-bukong at sa bahagi ng singit para mapababa ang temperatura ng biktima. Kapag nabigyan na ng first aid ang biktima, agad itong dalhin sa pinakamalapit na ospital.

Kung hindi agad malalapatan ng first aid ang isang biktima ng heat stroke, maaaring masira ang mga vital organ nito gaya ng utak, puso at bato na posibleng magdulot naman ng komplikasyon o kamatayan.

Ilan sa mga sintomas ng heat stroke ay ang pagkahilo, pananakit ng ulo, matinding pagkauhaw, dehydration, mabilis na pagtibok ng puso, at mataas na temperatura.

Tags: , , ,