DOH, muling nagbabala na huwag tangkilikin ang mga nag-aalok ng bakuna vs Covid-19

by Erika Endraca | December 21, 2020 (Monday) | 8517

METRO MANILA – Hinihikayat ng Department Of Health (DOH) ang publiko na maghain ng pormal na reklamo laban sa mga nag- aalok ng pagbabakuna kontra Covid-19.

Ito ay dahil may mga nababalitaan silang nag- aalok na naman ng pagbabakuna ng Covid-19 vaccine mula umano sa bansang China.

“Kung sakaling meron kayong impormasyon tungkol dito or mga reports na natatanggap, maari lamang pong idulog sa aming tanggapan para kami ay makagawa na agad ng imbestigasyon at mapigilan ang ganitong iligal na practice” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon pa sa DOH, bagaman may nagagamit na sa ibang bansa, sa Pilipinas  ay wala pang otorisadong bakuna kontra Covid-19 

“Nakikiusap po kami, hintayin lang po natin ang mga rehistradong bakuna na papasok sa ating bansa dahil itong mareregister sa FDA, makakapagbigay kami ng garantiya na ito ay dadaan sa proseso: na-evalaute ng mga eksperto” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Babala ng DOH, hindi makatitiyak na ligtas at epektibong gamitin ang isang bakuna na hindi nasala ng mga eksperto at hindi nasuri ng Food and Drug Administration.

“We would like to warn and advise the public na kapag gumamit po tayo ng mga hindi rehistrado or authorize na bakuna para sa inyong pamilya or para sa inyo, hindi po natin maga-guarantee ‘yung safety or if it will be efficacious….this may cause more harm than good.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Pakiusap ng DOH sa publiko, matiyaga at responsableng sundin ang minimum public health standards habang naghihintay ng bakuna kontra Covid-19.

Sa kabilang banda, kahit na magkaroon na ng bakuna mananatili pa rin ang pagpapatupad ng health protocols. 

Ito ay dahil ayon na rin sa World Health Organization, hangga’t may hawaan ng Covid-19.

Hindi na babalik pa sa dati ang pamumuhay ng tao at patuloy na iiral ang tinatawag na new normal.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,