DOH, muling magsasagawa ng deworming activity sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa Jan. 27

by Radyo La Verdad | January 20, 2016 (Wednesday) | 3999

DANTE_DEWORMING
Ito ay dahil muling magsasagawa ng National Deworming Activity ang kagawaran sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa January 27.

Para masigurong ligtas sa bulate ang isang bata, kailangang purgahin siya ng dalawang beses sa isang taon ayon sa Department of Health o DOH.

Kaugnay nito, sa January twenty seven ay muling magsasagawa ang kagawaran ng School Deworming Activity sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa partikular sa mga mag-aaral mula kinder hanggang grade six.

Kaugnay ito ng pagdiriwang National Deworming Day at bahagi ng Oplan Goodbye Bulate ng DOH.

Kada taon ay nagsasagawa ang kagawaran ng pagpurga sa mga elementary students tuwing Enero at Hulyo.

Kaya naman, muling ring nagpapaalala ang Department of Health sa publiko partikular na sa Region Nine.

Ito ay kaugnay sa mga posibleng maging epekto ng gamot sa isang bata tulad na lamang ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagkahilo at pagtatae lalo na sa isang bata na maraming bulate.

Matatandaang noong July 2015 ay nag-panic ang maraming mga magulang sa naging epekto ng gamot na pampurga na ininom ng mga bata sa isagawang deworming activity sa Zamboanga Region.

Ayon sa DOH, kakulangan sa kaalaman ng publiko hinggil sa epekto ng gamot ang dahilan kaya nagkaroon ng panic.

Dagdag pa rito, mas mahigpit na rin ang gagawing panuntunan ng DOH sa pagpapainom ng deworming tablet.

Hindi na bibigyan o papayagang uminom ang sinomang mag-aaral na hindi busog dahil maging malala ang epekto ng gamot kapag gutom ang bata.

May mandato na rin ang mga paaralan na magsagawa ng feeding program dalawang oras bago ang nakatakdang mass deworming activity.

Kabilang din sa hindi bibigyan ng gamot ay ang nagtatae, malnourish, sumasakit ang tiyan, may allergy at may lagnat o sakit.

Samantala, tiniyak naman ng kagawaran na ligtas at hindi expire ang ipapainom na mga gamot.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,