DOH, mas maingat na sa pagkuha ng dugo kasunod ng pagtaas ng bilang ng HIV-AIDS infection sa bansa

by Radyo La Verdad | February 13, 2017 (Monday) | 2345


Gumagamit na ng bagong paraan ang Philippine Red Cross sa pagkuha ng dugo sa mga potential donor upang hindi sila malusutan ng mga may nakakahawang sakit tulad ng HIV-AIDS.

Layon din nito na maiwasan ang pagkakamali sa paglalagay ng label o blood type sa bawat blood bag.

Ito ay kaugnay sa ulat ng DOH-Epidemiology Bureau na sa taong 2016 ay nakapagtala sila ng 550 blood units na kontaminaso ng HIV virus batay sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM.

Ayon sa kagawaran, malaki ang naging epekto ng pagtaas ng HIV cases sa bansa sa kanilang ginagawang koleksyon ng dugo dahil marami sa mga ito ay hindi mapakinabangan.

Nilinaw naman ni Secretary Ubial na ang mga kontaminadong dugo ay agad isinailalim sa proper disposal upang hindi na maisalin pa.

Noong 2016, nakapagtala ang DOH ng 9,264 na kaso ng HIV/AIDS. Kabilang ditto ang 1,969 deaths.

Nangangahulugan ito na mayroong 26 na bagong kaso ng impeksyon ang naitala kada araw noong nakaraang taon, mas mataas kumpara sa 17 kaso noong 2015.

(Marje Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: ,