DOH, mag-iikot sa mga paaralan upang kumustahin ang kalagayan ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia

by Radyo La Verdad | January 8, 2018 (Monday) | 2462

Sisimulan na ng Department of Health ang pag-iikot sa mga paaralan na nagkaroon ng Dengvaxia vaccination. Kabilang na rito ang ilang eskelahan sa Marikina, gayundin sa Central Luzon, Calabarzon Region, Cebu at NCR.

Ayon kay Health Sec. Franciso Duque, hindi nila iaanunsyo kung saang partikular na paaralan sila pupunta upang mas makita nila ang kalagayan ng mga mag-aaral.

Mamimigay din sila ng brochures at magpapaskil ng mga poster sa bawa’t silid-aralan sa kanilang pag-iikot kung saan  nakasaad ang mga dapat gawin ng mga magulang ng  batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Mababasa rin dito ang mga sintomas ng dengue, anong dapat gawin kapag nagkasakit at iba pa. Nakalagay din dito ang mga hotline na maaaring tawagan  ng publiko para sa kanilang mga katanungan at iba pang concern kaugnay ng Dengvaxia.

Samantala susuriin ng mga ekspertong doktor ang kaso ng sinasabing pagkamatay ng labing apat sa 837,000 na mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Hawak ngayon ng Department of Health ang kanilang profile at hinihintay na ma-validate ng binuong panel of experts kung talagang ang naturang anti-dengue vaccine ang sanhi ng kanilang kamatayan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,