DOH, itinanggi na may bagong COVID-19 wave sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | January 5, 2024 (Friday) | 39709

METRO MANILA – Itinanggi ng Department of Health (DOH) ang kumakalat ngayon na pekeng impormasyon na nagsasabing mayroong panibagong COVID-19 wave sa Metro Manila.

Ayon kay Department of Health Asst. Secretary Albert Domingo, pababa na ang bilang ng mga nagpopositibo sa sakit batay sa datos ng ahensya.

Kahit umano sa mga ospital ay wala namang naoobserbahang labis na pagdami ng admissions.

Batay sa record ng DOH, mula December 26, 2023 hanggang January 1, 2024, mayroon lamang 3,147 new cases kung saan ang average number ng mga bagong kaso kada araw ay nasa 449, mababa ng 10% kung ikukumpara noong December 19 to 25, 2023.

At sa bilang na ito, 40 o katumbas lamang ng 1.28% ang nasa kritikal na kondisyon.

Nagbabala din ang kagawaran na magsasampa ng criminal charges sa sinomang sangkot sa pagpapakalat ng fake news kung magtutuluy-tuloy ito.

Ayon sa kagawaran, sa patuloy na pagbaba ng mga kaso, malaking bagay pa rin ang pagsunod at pagpili ng mga Pilipino sa “healthy behavior” gaya na lamang ng pagsusuot ng face mask kung kinakailangan at pananatili sa bahay kung may sakit.

Tags: ,