METRO MANILA – Nailunsad na kahapon (July 26) ng Department of Health (DOH) ang malawakang vaccination campaign na naglalayong pataasin ang booster vaccination rate sa bansa sa unang 100 araw sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior.
Target ng DOH na makapagbakuna ng boosters sa halos 400,000 mga Pilipino kada araw.
Binigyang diin ng DOH na prayoridad ng kasalukuyang administrasyon na ipagpatuloy at pataasin pa ang booster vaccination rate upang maiwasan ang mga maoospital at masasawi kung magkaroon man ng COVID-19 surge.
Napatuyan na kasing humihina ang epekto ng primary series ng bakuna kontra COVID-19 sa paglipas ng panahon.
Paliwanag ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire, mas ilalapit pa ng pamahalaan sa publiko ang bakunahan.
Plano ng DOH na ilagay ang mga ito sa mga establisyimento, mga opisina, places of worship, mga palengke, transport terminal, at mga eskwelahan.
Sa pamamagitan aniya nito, wala nang maidadahilan ang mga kababayan natin na hindi pa rin sila makapagpapa-booster.
Kumpiyansa naman ang DOH na kung makikipagtulungan ang publiko, posibleng maabot ang target booster vaccination rate.
Sa kabuuan ng programa, umaasa ang ahensya na aabot sa 23 million ang matuturukan ng booster dose,
Naniniwala ang ahensya na ito ang susi para sa tuluyang panunumbalik ng sigla ng ekonomiya at unti-unting pagluluwag sa mga health restrictions.
Sa ngayon, sa mahigit 71 million na mga fully vaccinated, nasa 5.8 million pa lang ang nakakapagpabakuna ng first booster dose.