DOH, ipinagtanggol ang planong pagsasailalim sa MGCQ sa buong bansa

by Erika Endraca | February 22, 2021 (Monday) | 5318

METRO MANILA – Kaisa ang Department Of Health (DOH) sa rekomendasyon ng economic managers ng pamahalaan at Metro Manila Council na luwagan na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong Pilipinas.

Ayon kay DOH Spokesperson Maria Rosario Vergerie napapanahon na upang mas luwagan pa ang quarantine restrictions upang lalo pang makabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

Giit ng DOH, posibleng magbunga sa mas malalang problemang pangkalusugan ang bansa kung hindi pa rin makakabangon ang ating ekonomiya.

“It is the direction of the government, nakaisang taon na po tayo ng very strict lockdown and we have to look at the other side of the fence and that is our economy….and there are also health consequences for a poor economy kaya binabalnase din natin yan” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergerie.

Sa Lunes inaasahang dedesisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF at Metro Manila Council kung ibaba na sa MGCQ ang quarantine status ng buong bansa.

Samantala muli namang nanawagan ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na lalo pang paigtingin ang ang kanilang surveillance efforts upang maiwasan na muling dumami ang mga kaso ng covid-19 sakailing pairalin na ang mgcq.

“Ang ating safeguard dyan, kung sakali magkaroon ng shift into lower level of community quarantine measures ang safeguard po natin dyan ay ang ating local government magkakaroon ng sari-sariling response, where they will be able to have better surveillance.. So that they can appropriately manage if ever and we can control the number of cases”ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergerie.

Binigyang diin naman ng DOH, na hindi dapat ikaalarma ng publiko ang naitalang mutation ng virus sa Cebu City.

Paglilinaw ng Usec. Vergerie, sa ngayon ay pinag-aaralan pa itong mabuti ng mga eksperto at nakatakdang isumite ang sample sa World Health Organization (WHO) upang matukoy kung maituturing ito na panibagong variant ng Covid-19.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,