METRO MANILA – Nakatakdang pag-usapan ngayong araw (September 6) ng ilang health experts ang rekomendasyon kung pahihintulutan na ang pagbabakuna sa mga batang edad 12- 17.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan pa itong pag-aralan maigi lalo’t limitado parin ang supply ng mga bakuna.
“Hindi po natin sinasabing hindi natin gagawin, sinasabi lang natin pag-aaralan at magbibigay na po ng rekumendasyon sa lunes ang ating mga eksperto. Kailangan nating tignan yung safety pangalawa po syempre yun pong ilang populasyon or ilang number ng mga bata ang kailangan nating bakunahan para makita po natin how it’s going to be part of the vaccination program based on the supply that we have right now.” ani DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire.
Dalawang brand ng COVID-19 vaccines ang inaprubahan ng Food and Drugs Administration (FDA) na maaaring gamitin para sa mga menor de edad sa bansa.
Ayon sa FDA, maliit lang ang tyansang magkaroon ng malubhang side effects ang Moderna sa mga bata.
Mas malaki pa rin ang naibibigay nitong proteksyon para hindi magkaroon ng malalang kaso ng
COVID-19 ang mga bata.
Bukod sa Moderna, nauna na ring inaprubahan ang paggamit ng Pfizer vaccines sa mga batang 12 to 15 years old.
Pero nilinaw ng FDA na nasa national government pa rin ang pinal na desisyon kung kailan sisimulan ang pagbabakuna sa mga menor de edad.
(Janice Ingente | UNTV News)