DOH, iginiit na hindi nagbabakuna ng expired booster vaccines

by Radyo La Verdad | September 6, 2022 (Tuesday) | 1901

METRO MANILA – Extended ang shelf life ng mga booster vaccines na ginagamit sa Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ang iginiit ni Health Officer in Charge Maria Rosario Vergeire kasunod ng mga alegasyon na expired umano ang ibinibigay na booster shot.

Ayon sa DOH, mayroong sertipikasyon ang mga bakuna kung saan ang mga manufacturer mismo ang nagsabi na ligtas pa itong gamitin kahit lagpas na sa expiration date.

“When these vaccines were near expiring already we coordinated with FDA so that they can coordinate with manufacturers to determine kung pwede ma-extend ang shelf life. When manufacturers extend the shelf life of vaccines ito po ay dumadaan sa masusing pag-aaral.” ani DOH OIC, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Samantala, kinumpirma ng DOH na nakakatanggap sila ng rekomendasyon na magtakda ng deadline para sa pagbibigay ng libreng bakuna kontra COVID-19.

Gagawin ito upang mahikayat ang mas nakararaming Pilipino na agad nang magpabakuna at mapataas ang booster vaccination sa bansa. Pero ayon sa DOH, hindi pa ito maaaring gawin sa ngayon.

“Ang ating gobyerno ay nag-invest ng pondo para mabilhan natin itong buong populasyon natin ng COVID-19 vaccines. Sa ngayon hindi pa natin sila pwedeng bigyan ng restrictions o limitasyon as to until when they can avail free vaccines.” ani DOH OIC, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa DOH, posibleng dumating din sa punto kung saan pipiliin na lang ng pamahalaan ang bibigyan ng libreng bakuna kontra COVID habang magiging comercially available naman ito sa ibang mga Pilipino.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,