DOH, humihingi ng P1.2B na pondo para sa Dengvaxia assistance program ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | May 17, 2018 (Thursday) | 4381

Inilatag ng Department of Health (DOH) sa House committee on appropriations ang mga bagay na dapat paglaanan ng pondo kaugnay ng Dengvaxia assistance program ng pamahalaan.

Aabot sa halos P1.2B ang kailangang ilaan para sa medical assistance sa mga naturukan, out patient care package, pagde-deploy ng mga nurse para hanapin at kunan ng impormasyon ang mga pasyente, at medical kit.

Kukunin ito sa refund ng Sanofi Pasteur na nagkakahalaga ng P1.16 B dahil sa mga hindi nagamit na bakuna. Pero agad na tumutol ang kumite sa proposal ng DOH na P270M na pondo para lamang sa medical kit.

Ayon sa mga mambabatas, mas kailangan ng mga pasyente at magulang ng perang magagastos para tumugon sa pangangailangan ng mga pasyente.

Nais ng kumite na madaliin ang pagpapasa ng House Bill 7449 dahil ilang araw na lamang ay magbe-break na ang Kongreso.

Sa datos ng DOH, nasa 890k ang naturukan ng Dengvaxia vaccine.

Pero sa representante ng mga magulang ng naturukan ng Dengvaxia, marami pang hindi man lang napupuntahan ng mga health personnel para makuha ang impormasyon.

Sagot naman ng DOH, kailangang maaprubahan ang ilalaang pondo upang makakuha ng mga nurse na magmomonitor sa mga pasyente.

Bago matapos ang hearing ay naging emosyonal ang isang nanay ng naturukan ng Dengvaxia.

Depensa naman ni Duque, kung inabutan man ng kanyang termino ang pagbabakuna ng Dengvaxia ay wala pa ito sa kaniyang kaalaman.

Tinuligsa din nito ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya ng Public Attorney’s Office (PAO).

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,