DOH, hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa pagsasaayos ng proseso ng pagpapabakuna kontra COVID-19

by Erika Endraca | July 1, 2021 (Thursday) | 1659

METRO MANILA – Nanghihingi ng kaunti pang pasensya at unawa si Undersecretary for Health Maria Rosario Singh-Vergeire ukol sa kasalukuyang sitwasyon sa proseso ng pagpapabakuna, dahil napaulat na may ilang indibidwal na hindi nakakuha ng maayos na dosage ng bakuna.

Aniya, hiling ng kagawaran na maging mas maunawain pa ang publiko sa itinalagang healthcare workers sa vaccination areas.

“Let’s not crucify them. Tayo pong lahat ay magtulungan upang mas maisaayos pa ang ating vaccination protocols,” dugtong niya.

Kaugnay nito, nag-iimbestiga na ang kagawaran sa mga nangyaring insidente sa tulong ng Centers for Health and Development (CHDs) at ng kinauukulang local government units (LGUs). Gayundin, ang CHDs at LGUs ay agarang nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal na naapektuhan ng nasabing insidente.

Sa huli, hinihimok ng kagawaran ang publiko na ang bawat isa ay dapat na magtulungan upang matiyak na makakamit ng bansa ang layunin na maprotektahan ang lahat ng mga Pilipino kontra COVID-19.

(Ezekiel Berunio | La Verdad Correspondent)

Tags: