DOH, hindi na muna bibili ng COVID-19 vaccines hanggang Disyembre

by Radyo La Verdad | August 16, 2022 (Tuesday) | 4674

METRO MANILA – Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire sa organizational meeting ng Senate Committee on Health kahapon (August 15), na nasa 8.42% ang COVID-19 vaccine wastage ng Pilipinas.

Pero pasok pa raw ito sa 10% acceptable limit ng Covax facility.

Batay sa datos ng DOH, mahigit 20 million doses na COVID-19 vaccines ang hindi nagamit ng bansa, karamihan sa mga nasayang, galing sa mga binili ng pribadong sektor.

Sa pagtataya ni Senator Risa Hontiveros, katumbas ito ng mahigit P10-B na nasayang na pondo.

Ayon sa DOH, iba’t iba ang dahilan ng mga hindi nagamit na bakuna gaya ng expiration, delay sa delivery ng mga bakuna, nasira dahil sa kalamidad at hindi tamang temperatura.

Dagdag ni Vergeire, pumayag na ang Covax na palitan ang lahat ng mga nasirang COVID-19 vaccines mapa binili man ng gobyerno o ng pribadong sektor o donasyon sa Pilipinas.

Ang kondisyon lamang aniya ng Covax, hindi na dapat masisira muli ang mga ipapalit na bakuna.

Para maiwasan na ang pagkasira ng mga bakuna at pagkasayang ng pondo, ayon kay Vergeire, hindi na muna oorder ang Pilipinas ng bagong bakuna hanggang buwan ng Disyembre ngayong taon kung saan inaasahan ding darating sa bansa ang mga hiniling na replacement mula sa Covax.

Patuloy din aniya ang kampanya ng ahensya para mahikayat pa ang publiko na magpabakuna partikular na ng COVID-19 booster shots.

Sa ngayon, nasa 90% na ang fully vaccinated sa adult population ng bansa ngunit nasa 21% pa lamang ang nakapagpaturok ng COVID-19 booster shot.

Kabilang daw sa mga dahilan ng ilan kung bakit ayaw nang magpabooster shot ay ang pagiging overconfident mula sa pagiging fully vaccinated, pangamba mula sa side effects na naranasan sa primary series at dahil hindi naman daw required sa mga pampublikong lugar.

Target ngayon ng DOH na makapagbakuna ng booster shots nang di bababa sa 50% ng target population pagdating ng buwan ng Oktubre.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,