DOH, hindi kinumpirmang may kaugnayan sa mga bagong variant ang pagtaas ng kaso ng COV-19 sa iba’t ibang probinsya

by Erika Endraca | May 31, 2021 (Monday) | 9466

METRO MANILA – Bagamat bumababa na ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa NCR Plus, tinututukan naman ngayon ng Department Of Health (DOH) ang tumataas na kaso ng sakit sa iba pang mga probinsiya sa bansa.

Ngunit hindi pa rin kinukumpirma ng DOH kung may direktang kaugnayan ba ang mga bagong variant sa pagtaas ng COVID-19 cases gaya na lang ng B.1.617 o ang COVID-19 variant na unang natuklasan sa India.

Ayon sa DOH, hindi rin masasabing mayroon nang local transmission sa mga lalawigan sa kabila ng tumataas na kaso at bilang ng mga nasawi.

“We can’t even say that there is local transmission of this Indian variant, ang naitatala palang natin sa ating mga datos ay labingdalawang katao na na-identify natin na may variant na ito so pag tinignan po natin hindi parin natin nakikita yung direct correlation ng pagdami ng mga namamatay dito po sa mga variants” ani Department Of Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa huling datos ng DOH, nasa 2% lang ang naitalang nasawi sa mga tinamaan ng UK, South African at Indian COVID-19 variants

Ayon kay Usec Vergeire, hinihintay lamang ng DOH ang ilalabas na pag-aaral ng World Health Organization (WHO) dahil ito ang may kakayahang mag-analisa kaugnay ng level ng COVID-19 transmission ng mga bagong variant sa mga probinsya.

“We rely and also we request this help from the who so that they can be able to analyze properly at mabigyan po tayo ng guidance kung talagang may community transmission na nga dito sa ating bansa” ani Department Of Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Iginiit ng DOH na anuman ang maging level ng transmission ng COVID-19 variant sa bansa, mananatili pa rin ang proseso ng DOH sa genome sequencing o ang pag-alam kung anong klaseng variant mayroon ang mga pasyente sa bansa. Kung saan pili lamang ang mga isinasailalim sa pagsusuri at limitado lamang ang dumadaan sa proseso.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: ,