DOH-CAR, nais na mabakunahan ang 26K na kabataan laban sa tigdas at iba pang sakit

by Radyo La Verdad | August 2, 2023 (Wednesday) | 2245

BAGUIO CITY — Patuloy na pinagsisikapan ng Department of Health sa Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) na mabakunahan ang 26,000 na kabataan laban sa tigdas at iba pang mga sakit.

Epekto ito ng maraming mga magulang ang nagdesisyong palampasin ang panahon ng pambansang pagbabakuna noong buwan ng Mayo.

Kabilang sa mga dahilan ng hindi pagpapabakuna sa kanilang mga anak ay ang pagkakasakit ng bata, relihiyon, at maging ang takot ayon kay Nurse Joycelyn Rillota, isa sa namamahala sa programang DOH-CAR.

Base sa naitalang datos, aabot lamang sa 113,622 mula sa kabuoang target na 140,033 ang nakatanggap na ng bakuna laban sa tigdas at rubella, habang 115,341 pa lang mula sa 163,239 ang nabigyan na ng bakuna para sa oral polio.

Samantala, may bilang naman na 2,473 na mga sanggol na may edad na 6-11 months at 22,037 sa edad na 12-59 months ang nakatanggap na ng Vitamin A supplements.

Dagdag ni Rillorta, kukunin nila mula sa mga pribadong pediatricians ang bilang ng mga batang dinala sa kanila para mabakunahan.

Tiniyak din niya sa mga magulang na ang mga batang nakatanggap na ng bakuna ay napatunayang protektado mula sa masamang epekto ng mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

(Joram Jeomeri Flores | La Verdad Correspondent)

Tags: ,