DOH at IATF, hindi pa inirerekomenda ang muling paghihigpit ng health restrictions

by Radyo La Verdad | May 3, 2023 (Wednesday) | 14003

METRO MANILA – Base sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH), tumaas ng 42% ang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Mula sa 3,148, na mga kaso noong April 17 to 23, umabot na sa 4,456 ang ang mga bagong kaso mula April 24 to 30,kung saan 637 ang naitatalang daily average cases.

At ayon sa kagawaran, asahang hanggang sa buwan ng Hunyo ay patuloy ang pagtaas ng kaso kung saan tatakbo sa 600 ang magiging daily average cases.

Ayon kay DOH Usec. Rosario Vergeire, summer outing, at long weekend holiday kung saan mataas ang interaksyon ng mga tao, ang ilan sa mga nakikitang dahilan ng muling pagtaas ng kaso.

Sa kabila nito, nananatiling low risk ang healthcare utilization sa bansa, hindi dumadami ang bilang ng nagiging kritikal at na-o-ospital dahil sa virus, kaya hindi inirerekomenda ng kagawaran at Interagency Task Force na muling ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask at iba pang restrictions.

Patuloy din ang panghihikayat ng health officials maging ng pamahalaan na magpabakuna laban sa COVID-19 dahil ito ang pinakamabisang proteksyon laban sa virus.

Mabuti na rin na mag isolate o magpasuri kapag nakararamdam ng sintomas ng sakit.

(Gladys Toabi | UNTV News)

Tags: ,