Handa na ang Department of Health Western Visayas sa full implementation ng mandatory graphic health warning law sa darating na November 4 ngayong taon.
Sa ilalim ng plain o standardized packaging, istriktong ipapatupad ang pagbabawal sa paggamit ng logo, kulay, brand images o anumang promotional information sa mga pakete ng sigarilyo na kalimitang nakakahikayat sa mga mamimili.
Dapat nakalagay ang health warnings sa malaking bahagi ng mga pakete at nakasunod sa standard packaging.
Layunin nito na mabawasan ang demand sa sigarilyo sa pamamagitan ng pagbabawas sa kaakit-akit na packaging at paglalagay ng mga imahe ng totoong epekto ng sigarilyo sa katawan.
Ayon sa DOH, papayagan pa nilang ibenta sa merkado ang stocks ng tobacco products na may lumang pakete ngunit pagsapit ng Nobyembre, kailangang nakasunod na sila sa standard plain packaging.
Ang hakbang na ito ay bilang pakikiisa sa isinusulong na kampanya ng World Health Organization laban sa paninigarilyo dahil sa masamang epekto nito sa katawan, lalo na sa mga kabataan.
Sa Western Visayas, 22% ng mga kabataan may edad 15-24 years old ay naninigarilyo na at pangatlo rin ang rehiyon sa may pinakamaraming naninigarilyo sa bansa.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)