DOF, tiniyak na hindi maaapektuhan ng tax reforms ang kita ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | August 1, 2016 (Monday) | 1728

DARLENE_KITA
Tumaas ang tax revenue collection ng Bureau of Internal Revenue sa mga nakalipas na taon.

Sa taong 2013, umabot ng mahigit isang trilyong piso ang kita ng pamahalaan sa pagkolekta ng buwis.

Ngayong target ng administration ni Pangulong Duterte na babaan ang income at corporate tax rate sa bansa, nangangamba ng ilan na bumaba rin ang revenue tax collection ng pamahalaan.

3/4 ng kita ng pamahalaan ay galing sa income at corporate taxes na nakolekta ng BIR.

Kaya naman may ilang suhestiyon na taasan na lamang ang value added tax o vat mula 12 percent sa 14 percent upang ma-offset o mabawi ang mawawalang kita kung ibababa ang income at corporate tax.

Sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez, hindi na kailangang taasan pa ang vat dahil kaya namang makakolekta ng pamahalaan ng mataas na halaga ng buwis kahit babaan ang tax rate sa bansa.

Target ng pamahalaan na makakolekta ng mahigit dalawang trilyong pisong buwis ngayong taon.

Mas mataas ito kumpara sa tax collection na 1.442 trillion pesos noong isang taon.

Ayon naman kay dating BIR Commissioner Liwaylway Vinzons-Chato, posible parin na mataas ang magiging revenue tax collection ng pamahalaan kahit na babaan ang income at corporate tax kung pagtutuunan ng pansin ang pagkolekta ng buwis sa mga individual tax payer na malaki ang kita.

Ayon naman kay Senate President Koko Pimentel, susubukan ng senado na maipasa ang tax reform bago matapos ang kasalukuyang taon.

(Darlene Basingan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,