DOE, pinaaaksyon sa mataas na presyo ng kuryente

by Radyo La Verdad | August 11, 2022 (Thursday) | 9776

METRO MANILA – Sumentro sa mataas na presyo ng kuryente at problema sa brownouts sa ilang probinsya sa bansa ang naging panawagan ng ilang senador sa unang pagdinig ng Senate Committee on Energy sa pangunguna ng Neophyte Senator na si Raffy Tulfo.

Sa organizational meeting, nanawagan din ang ilang mambabatas na bigyang prayoridad na ang paggamit ng renewable energy sa bansa na ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi natutukan ng nagdaang administrasyon.

Aminado si Department of Energy Secretary Raphael Lotilla na masusi at matagal na trabaho ang kailangang gawin para maresolba ang mga isyu sa suplay at presyo ng kuryente.

Kabilang na aniya rito ang reporma sa sektor enerhiya gaya sa mga electric cooperative, paghikayat sa investors sa bansa at paglipat ng bansa sa hybrid system sa energy supply.

Kasama ang pag-amyenda ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) sa ipinanawagan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Kongreso sa kanyang unang SONA.

Ayon sa kalihim, dapat nang tutukan ang iba pang mapagkukunan ng enerhiya upang hindi na dumepende ang bansa sa petroleum-based fuels kung saan pabago-bago ang presyo sa merkado.

Mahigit 50% din ng ating energy supply gaya ng coal ang inaangkat pa ng Pilipinas mula sa ibang bansa.

Pagdating naman sa usapin sa nuclear energy inaalam pa ng DOE kung ano nang nangyari sa isinagawang pag-aaral ng Duterte administration.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, nasa P266-M ang inilagak nilang pondo sa national budget para sa pag-aaral.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,