DND Sec. Delfin Lorenzana, inaming nawalan ng tiwala sa Navy official na inalis sa pwesto

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 2834

Nawalan na ng tiwala sa integridad at liderato ni Vice Admiral Ronald Joseph Mercado si Dnd Sec. Delfin Lorenzana, ito ang dahilan ng kalihim kayat inalis sa pwesto si Mercado.

Ayon kay Sec. Lorenzana, nagbigay siya nang ulat sa Pangulo noong Nobyembre hinggil sa ilang buwang pagkakaantala ng pagbili ng bagong frigate sa Hyundai Heavy Industries ng South Korea.

Sinabi pa ni Lorenzana na bago niya pirmahan ang kontrata noong 2016 ay tinanong niya ang mga matataas na opisyal ng Philippine Navy hinggil sa P15.5 bilyon na proyekto.

Subalit walang tumutol maging si Mercado kayat nagtataka siya kung bakit hinaharang nito ngayon ang proyekto, itoy upang paboran ang isang kumpanya na wala sa kontrata para sa gagamiting combat management system ng bibilhing barko.

Hindi naman aniya niya pina-iimbestigahan si Mercado hinggil sa insidente kahit na ang ginawa nito ay insubordination.

Idinipensa din ng kalihim ang pagkakatalaga ni Rear Admiral Robert Empedrad mula sa J9 na aniyay kwalipikado bilang OIC ng Philippine Navy.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,