DND resolution na katunayang nagsumite ng amnesty application si Sen. Trillanes, ipinakita ni dating Magdalo Partylist Rep. Acedillo

by Radyo La Verdad | September 6, 2018 (Thursday) | 1603

Sa Department of National Defense Ad Hoc Committee Resolution Number-2 na may petsang ika-5 ng Enero 2011 nakasaad ang mga pangalan ng mga nagsumite ng amnesty application.

Kaugnay ito sa Presidential Proclamation Number 75 ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa nangyaring 2003 Oakwook mutiny, 2006 Philippine Marine stand off at 2007 Manila Peninsula Hotel siege.

Base sa dokumentong galing kay dating Magdalo Partylist Rep. Francisco Acedillo, pinaka-una sa listahan si dating Lieutenant Senior Grade Antonio Trillanes IV. Kasama rin dito sina Magdalo Partylist Representative Gary Alejano at iba pa.

Hindi kasama si Acedillo sa batch na ito pero isa siya sa nabigyan ng amnestiya dahil kasama siya sa mga sumali sa 2003 Oakwood mutiny.

Ayon kay Acedillo, walang recieving copy na binigay sa kanila pero bilang patunay na sumunod sila sa proseso, binigyan sila ng amnesty certification na pirmado ng noon ay DND secretary na si Voltair Gazmin.

Ikinuwento rin ni Acedillo kung paano nila isinumite ang amnesty application noon.

Ayon sa dating kongresista, handa ito na depensahan ang kanilang karapatan sa tila nakaambang pagpapawalang bisa ng amnesty na ibinigay sa kanila.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,