DNA testing ng PNP kay alyas Kulot, iligal ayon sa Public Attorney’s Office

by Radyo La Verdad | September 13, 2017 (Wednesday) | 3839

Hindi na papatulan ng forensic laboratory ng Public Attorney’s Office ang resulta ng ginawang DNA testing ng PNP sa mga labi ni Reynaldo de Guzman alyas Kulot.

Ayon sa PAO, iligal at halos walang kredibilidad ang DNA testing dahil hindi man lang ito ipinaalam sa mga abogado ng pamilya De Guzman.

Kaduda-duda rin ayon sa forensic expert ng PAO na si  Dr. Erwin Erfe ang pagsisikap ng mga pulis na magsagawa ng DNA testing.

Bukod sa wala namang request para dito, wala ring ibang umaangkin sa mga labi ng biktima.

Ayon pa kay Doctor Erfe, positibo namang kinilala ng pamilya ang mga labi ni alyas Kulot.

Naberepika na rin ito ng CHR, NBI at ng PAO bago nagsagawa ng kani-kaniyang autopsy at forensic analysis.

Kinuwestyon naman ng PNP ang mandato ng PAO na magsagawa ng forensic analysis dahil dapat anila ay pag-aabugado lamang sa pamilya ang atupagin ng PAO.

Sabi naman ni Doctor Erfe, mas mabuti pang ipinaubaya na lang ng PNP sa iba ang DNA testing.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

 

 

 

 

Tags: , ,