Walang dapat tanggaping anumang pakinabang o profit ang DMCI sa pagtatayo ng kontrobersyal na Torre de Manila Condominium.
Ayon sa abogado ng NCCA na si Atty. Trixie Cruz-Angeles, may prinsipyo sa civil law na hindi pwedeng makinabang ang isang tao sa bagay na ginawa niya in bad faith.
Maituturing umano na in bad faith ang DMCI dahil sinimulan nito ang pagtatayo ng apatnaput siyam na palapag na Torre de Manila kahit wala pa silang nakuhang exemption sa zoning ordinance.
Nakasaad sa naturang ordinansa na hanggang pitong palapag lamang dapat ang mga gusali sa lugar na pinagtayuan ng Torre de Manila.
Sinabi pa ng abogado na walang ibang remedyo kundi ang ipagiba ang kontrobersyal na gusali.
Dati namang iginiit ng DMCI na wala silang nilabag na batas at kumpleto ang kanilang permit sa pagtatayo ng Torre de Manila.
Wala rin umanong batayan sa batas ang hiling ng mga petitioner na ipagiba ito.
Samantala, tinapos na ng Korte Suprema ang oral arguments sa kaso.
Binigyan na lamang ng dalawampung araw ang mga partido sa kaso upang magsumite ng kani-kanilang memorandum.
Naniniwala naman ang abogado ng NCCA na mas malilinawan sa ilalabas na desisyon ng Korte Suprema ang probisyon ng saligang-batas patungkol sa conservation ng mahahalagang pamana ng ating lahi gaya ng bantayog ni Jose Rizal. ( Roderic Mendoza / UNTV News)
Tags: Atty. Trixie Cruz-Angeles, Torre de Manila Condominium