Diyalekto, itinituring na least preferred medium ng pagtuturo sa Grade 1-3 – Pulse Asia

by Radyo La Verdad | February 8, 2023 (Wednesday) | 11921

METRO MANILA – Nakapagtala ng pinakamababang boto ang “diyalekto” bilang wikang panturo para sa mga mag-aaral sa Grade 1-3 sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong Setyembre 17-21, 2022.

Nanguguna sa pagsusuri ang Filipino na may 88% na boto, sunod ang English na 71% at huli ang diyalekto na mayroon lamang 38% mula sa 1,200 indibidwal na sumagot sa nasabing survey.

Dahil sa resulta, hinahangad ng tagapangulo ng Committee on Basic Education at nag-commission ng pagsisiyasat na si Senador Sherwin Gatchalian ang isang masusi at mahigpit na pagsusuri sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa mga paaralan ng bansa.

Ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ay ipinag-uutos ng Republic Act (RA) 10533 o Enhanced Basic Education Act na naglalayong gawing medium ng pagtuturo ang rehiyonal o katutubong wika sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.

Iminungkahi ni Gatchalian na upang maipagpatuloy ang polisiya, kinakailangang pag-aralan ang mga susunod na hakbang at tugunan ang mga hamong kinakaharap sa paggamit ng mother tongue.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: