Diwata-2 microsatellite ng Pilipinas, matagumpay na nailunsad mula sa Tanegashima Space Center sa Japan

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 13531

Live na nasaksihan sa UP Diliman, Quezon City kahapon ng tanghali ang launching ng ikalawang microsatellite ng Pilipinas na pinangalanang Diwata-2. Lulan ito ng isang H-IIA F40 rocket at ipinadala sa kalawakan mula sa Tanegashima Space Center sa Japan.

Binuo ito sa ilalim ng Philippine Scientific Earth Observation Microsatellite o PHL- Microsat Program na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST).

Kumpara sa Diwata-1 na inilunsad noong Marso 2016, mas mataas na ang altitude nito na aabot sa 620 kilometers. Mas malawak na lugar ang kaya nitong i-monitor at mas detalyado ang makukuhang mga litrato.

Ayon kay DOST Usec. Rowena Cristina Guevara, malaking tulong ang Diwata-2 upang mabantayan ang mga banta ng kalamidad at makapagbato ng ulat ng pinsala sa mas mabilis na paraan.

Mas makatitipid din aniya ang pamahalaan ng bilyong piso dahil hindi na kakailanganin ng napakaraming tauhan upang makalikom ng ulat kaugnay ng mga tatamang sakuna sa bansa.

Bukod sa disaster risk at exposure mitigation, makakatulong ng pamahalaan ang Diwata- 2 upang makakuha ng mga imahe sa bansa maging sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Kabilang sa dalawang major feature ng Diwata- 2 ang solar panels upang mapataas pa ang power generation output nito at ang enhanced resolution camera (ERC) upang mapataas pa ang resolution ng mga imaheng makukunan nito mula sa kalawakan.

May amateur radio unit din ang Diwata- 2 na magagamit sa emergency communications at disaster response.

Nananawagan naman ang DOST sa Kongreso na isabatas na ang Philippine Space Agency Bill (PHILSA).

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,