Diwa ng Bayanihan, namalagi sa kabila ng kalamidad — DSWD

by Radyo La Verdad | November 11, 2022 (Friday) | 1185

METRO MANILA – Likas sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng diwa ng Bayanihan o ang pagkakaisa at pagtutulong-tulungan. Lalo itong naipakita sa gitna ng kalamidad tulad na lamang nitong Bagyong Paeng na nanalasa sa ating bansa.

Ilan sa mga residente sa National Capital Region (NCR) ang tumugon sa panawagan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mag-repack ng relief goods sa National Resource Operations Center (NROC) nitong November 4 upang maipamahagi sa mga naapektuhan ng bagyo.

Isa sa mga masayang nakibahagi sa gampaning ito ay ang volunteers ng Members Church of God International (MCGI) mula sa iba’t ibang chapters nito sa Metro Manila.

Mayroon ding ilang volunteers na nagbahagi ng kanilang karanasan gaya ni Rosalina na nalaman ang tungkol sa gawain sa announcement sa kanilang group chat at inanyayahan din ang kaniyang anak na sumama.

Kabilang din dito ang isang senior citizen na si Celeste Ramirez mula sa Makati. Aniya ang pakikilahok sa mga ganitong volunteer work ay nakakatulong sa kaniya para maging aktibo kahit siya ay senior na.

Nagpahayag ng pasasalamat ang DSWD sa 394 na nagbahagi ng kanilang oras, lakas at kanilang makakaya para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

(Ella Banao | La Verdad Correspondent)