Divorce bill, pasado na sa Kamara

by Radyo La Verdad | March 20, 2018 (Tuesday) | 8385

Aprubado na sa third and final reading ng Kamara ang panukalang batas hinggil sa absolute divorce and dissolution of marriage sa Pilipinas.

134 na mga kongresista ang bumoto pabor sa divorce bill, 57 ang tumutol habang dalawang mambabatas ang nag-abstain.

Kabilang sa mga masidhing tumutol sa pagsasabatas ng naturang panukala sina Magdalo Representative Garry Alejano at Buhay Partylist Representative Lito Atienza.

Bukod sa limampu’t pitong mambabatas na tumutol, hindi rin sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na isabatas ang diborsyo sa Pilipinas.

Sa kabila na annulled na sa kanyang dating asawa at mayroon nang bagong kinakasama buhay, tutol ang pangulo sa panukalang diborsyo.

Bagaman pasado na sa Kamara, una nang sinabi ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na malabong makapasa sa Senado ang divorce bill.

Sa ngayon ay walang pang sinoman sa mga senador ang naghahain ng kanilang bersyon ng panukalang batas ng diborsyo.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, mas pinabilis na ang proseso ng pagpapawalang-bisa ng kasal at mas mura na rin ang ibabayad ng mag-asawang maghihiwalay.

Sa ngayon tanging annulment pa lamang ang kinikilala sa Pilipinas ngunit lubhang mahal at mahabang proseso ang kinakailangang pagdaanan ng mag-asawa.

Ang Pilipinas at ang Vatican na lamang ang mga lugar sa buong mundo kung saan hindi pa itinuturing na ligal ang diborsyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,