Distribusyon ng fuel vouchers sa mga PUJ kahapon, ipinagpaliban

by Radyo La Verdad | July 13, 2018 (Friday) | 2282

Dismayado ang mga jeep operators na nagtungo kahapon sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) para sana sa nakatakdang pamamahagi ng fuel vouchers.

Dahil sa kabila ng anunsyo ng pamahalaan, hindi natuloy ang nakatakda sanang distribusyon ng fuel vouchers para sa nasa sampung libong mga operator sa Metro Manila.

Paliwanag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra, ipinagpaliban nila ang pamimigay sana ng subsidiya dahil kinakailangan pa nilang ayusin ang sistema ng landbank at i-orient ang mga driver sa mga panuntunan ng paggamit ng fuel vouchers.

Mula sa naunang plano na pamamahagi ng 833 piso kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre, nagdesisyon ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya ng pamahalaan na gawing minsanan ang pamimigay ng limang libong pisong subsidya.

Maging ang president ng Land Bank of the Philippines ay ikinagulat rin ang biglaang pagbabago ng proseso.

Pero tiniyak nito na agad nilang iaayos ang kanilang sistema upang matuloy na ang pamamahagi ng fuel vouchers na ipinagpaliban sa ika-17 ng Hulyo.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,